top of page
  • Philip Jr Lustre

Balanse: Sabog na Alyansa


LAKING gulat ko nang sabihin sa akin ni Sonny Trillanes na 19, hindi 14 na unang naiulat, ang kandidato sa pagka-senador sa 2019 ng namumunong koalisyon. Maidadagdag sa 14 sina Grace Poe, Freddie Aguilar, Lito Lapid, Rafael Alunan, at Larry Gadon, ani Trillanes. Ngunit 12 lamang ang dapat ihalal sa balota. Ang unang 12 na may pinakaraming boto ang tatatanghaling mga senador sa 2019. Susme, paano na iyan, Mr. Senator? Paano makakapagkampanya ang 19 na kandidato? Iyan kaagad ang tanong ko kay Sonny Trillanes. Sasabog tiyak ang kampanya nila sa pagsapit ng Enero. Tiyak na magkakani-kaniya ang mga iyan sa kampanya. Kani-kaniyang hulugan ang mangyayari, ang sabi ko. Sumabog na nga, ani Sonny Trillanes. Bukod sa malinaw na walang tiket pang-senador ang naghaharing koalisyon, wala ring malinaw na batayan kung bakit sila nagkakasama-sama. Wala ring dumarating na salapi o anumang tulong ang mga kandidato mula sa sinumang namumuno sa koalisyon, aniya. Pinatatamaan niya si Davao City Mayora Sara Duterte na sinasabing namumuno sa Hugpong, ang regional party na nagbubuklod-buklod sa 14. Maisusumpa ninyo ang mga kandidato ng naghaharing koalisyon sa susunod na halalan. Nariyan ang mga mandarambong, kriminal, pipitsugin at patapon, mga taong walang mapuntahan, at mga isinuka na nga ng bayan. Wala ka halos makitang kandidatong karapat-dapat suportahan. Walang kakuwenta-kuwenta. Nandiriyan ang anim na reeleksiyonistang bumoto ng pabor sa TRAIN Law, ang batas na nagpapataw ng bagong buwis na naging sanhi ng walang habas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nariyan rin ang mga mandarambong na nagmamalinis pa mandin at nagsasabing hindi sila magnanakaw. Nariyan rin ang mga taong walang nalalaman at ang tanging puhunan sa buhay ay kanilang natatanging lakas ng loob lamang. * * * PINALAD kaming masaksihan ang una sa serye ng senatorial forum ng CNN Phils. sa UP Theater noong Linggo. Nakita namin sa isang malayang talakayan ang walong kandidato sa pagka-senador – Gary Alejano, Bam Aquino, Bato dela Rosa, Chel Diokno, JV Ejercito, Juan Ponce Enrile, Serge Osmena at Francis Tolentino. Nagbigay sila ng kani-kanilang kuro-kuro at saloobin tungkol sa mga pangunahing usapin ng bansa. Malakas at makinang ang dating ni Gary at Bam. Malinaw ang mga one-liner ni Chel Diokno. Pinilit magmukhang magaling ni JV bagaman baluktot ang katwiran. Mukhang may diperensiya sa pagdinig si JPE at may sakit si Serge. Alanganin ang mga paliwanag ni Francis. Pinagtawanan at nilibak ng mga tao si Bato dahil sa sobrang pagkampi sa kaniyang presidente. Buong linaw na tinalakay ni Gary ang usapin ng sobrang pagkiling ng administrasyon sa China at ang patalong paninindigan ng kasalukuyang pamunuan sa pagsakop ng China sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea. Hindi ganito kagaling magpaliwanag si Gary nang unang mahalal siya bilang kinatawan ng Magdalo Party List sa Kamara de Representante noong 2009. Ngayon, walang gatol ang bawat bagsak ng kaniyang pangungusap sa mga usapin. Malinaw ang mga kaisipang lumalabas sa kaniyang bibig. Nakita namin ang lalim ng pang-unawa ng bawat kandidato sa mga usapin. Nang tanungin kung ano ang dapat gawin upang mahinto ang tuluyang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, buong linaw na ipinaliwanag ni Bam na naglatag na siya ng isang panukala sa Senado upang masuspindi ang pagpapairal ng probisyon ng Train Law na nagpapataw ng excise tax sa gasolina, diesel at kerosene. Sa ganang kay Bam, mabilis ang epekto ng mga excise tax sa fuel kaya kailangan ang mabilis na solusyon. Kung iiral ang excise tax, may dahilan ang mga mangangalakal na magtaas ng presyo. Ngunit kung masususpinde, walang dahilan ang mga negosyante magtaas. Kagaguhan naman ang sagot si JV Ejercito sa tanong. Sa ganang kaniya ang pagpapairal ng programa sa impraktrustura sa ilalim ng programang Build, Build, Build at ang programa sa transport ang tatapos sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Por Diyos por Santo. Aabutin pa ng ilang taon bago maisakatuparan ang programa sa impraktrustura at transport. Mukhang bangag si JV. Hindi niya alam ang sinasabi. Isa si JV Ejercito sa anim na mga senador na bumalangkas at pumabor sa Train Law. Isa itong usapin na pinagkakaiwasan ni JV sapagkat alam niyang malulubog siya sa lusak. Samantala, malinaw ang paliwanag ni Chel Diokno sa kanilang panukalang reporma sa ating sistema sa katarungan. Mapang-api at kontra sa mahirap ang sistema. Hindi komportable si Francis Tolentino na ipagtanggol ang administrasyong walang direksyon. Napipilitan niyang gawin ito sapagkat kailangan; wala naman siyang pupuntahan. Parehong matanda na si JPE at Serge. Sa Home for Aged sila dapat magpunta at hindi sa Senado. [Unang lumabas sa Police Files, sa klum na BALANSE ni Ba Ipe]



Recent Posts

See All

Dying abroad is never easy

Dying is a messy business, wherever and however one decides to undertake it. It shatters dreams. It scuppers the best laid of plans. It...

welcome to fILIPINO cHRONICLES

 

We hope to see you visit regularly as we update these pages with thought provoking, informative and entertaining pieces.  If you have anything worth sharing with out wider audience, please kindly let us know.

 

filipinochronicles@gmail.com

UPCOMING EVENTS: 

 FOLLOW FILIPINO CHRONICLES
  • Facebook B&W
  • Twitter B&W
  • Instagram B&W
 RECENT POSTS: 
 SEARCH BY TAGS: 
bottom of page