top of page
Gene Alcantara

Sa disyerto'y may pag-ibig

MATAGAL ko nang naririnig na may isang napakaganda raw nars sa bagong ospital. Lagi siyang pinag-uusapan ng mga kasamahan ko sa opisina kapag nasa silid-kainan kami o kaya'y basta nag-uumpukan sa gabi. Kesyo pinakaperpekto daw ang hubog ng katawan, pinakamataas sa buong bayan ng Jubail, at marahil ay isa sa pinakakaakit-akit sa lahat ng mga Pinay sa buong Saudi Arabia. Kaya lang pinakasuplada rin daw ito at hindi nakikipag-usap sa mga lalaki. Ni hindi namamansin at kahit masalubong mo't makakabangga na sa daan ay ni hindi ka raw tatapunan ng tingin. Pero hindi raw naman mahiyain o ano man, talaga lang daw sigurong ibang klase magkikilos. Marahil, ika nila, dahil bago lang salta at takot pang makihalubilo sa mga kababayang kalalakihan. Maraming may gusto kay Susan Santulan, sa nars nga, at talaga naman daw babangungutin ka sa gabi minsan mo lang siyang masilayan. Tuloy daw gusto na halos nung ibang manggahasa ng mga babaeng nakabelong itim, kahit delikado ito at malamang pugot-ulo ang aabutin mo. Yung iba nga kahit kamelyo o tupa raw ay pagtitiisan na, maski papaano. Kapag ganoong nagkukuwentuhan ang mga kasama ko sa trabaho, napapailing at nangingiti na lamang ako at nakikiayon. Sa Jubail kasi, palibhasa'y liblib na disyerto sa isang dulo ng silangang bahagi ng Saudi at bihirang-bihira ang mga babae, hanggang imahinasyon na lamang kami. Bawal sa amin ang makipag-usap o makisabay sa mga Pinay sa kalye o anumang lugar na publiko. Wala namang naglalakas-loob dahil kapag may naasar na pulis na arabo at natiyempuhan ka ay maaari kang madeporta. O baka ikulong ka muna, lagot ka na. Sawsawan ang magiging labas mo sa loob ng preso. Nakasasakal ang buhay sa Jubail, araw-gabi ang tangi naming kaulayaw ay mga alaala nung nandoon pa kami sa Pilipinas, mga larawang lukut-lukot at mga liham mula sa mga mahal sa buhay na maluray-luray na sa daming beses na pagbasa. Tingin namin sa disyerto'y isang munting impiyerno, isang malaking kulungan kung saan maaari kaming magtanim ng pawis at luha upang umani ng berdeng salapi. Lahat ay parang mga makina--kain, ligo, kayod, obertaym, kain, tulog. Yung iba, medyo iiyak pa muna sa gabi bago matulog, kung nahohomsik sa asa-asawa't mga anak. Wala namang mapupuntahan kundi mga maliliit na bayanang tulad ng Dammam na nabibilhan ng mga pampadalang gamit, mga elektroniks, ginto't alahas, at mga kaset teyps. Tuwing Huwebes o Biyernes, nagkukulapol ang sandamakmak na mga Pinoy sa Dammam upang kumain, mag-inom ng serbesang walang alkohol, maghuntahan, o magpatayo-tayo at tumambay buong maghapon. Magkaminsan ay doon dadayo sa Dhahran, kung saan naroon ang paliparang internasyonal upang mamili sa ganoon ding uri ng mga tindahan. Lumubog-lumitaw ang napakalapit na araw ay ganoo't ganoon pa rin, nakababagot at nakalulungkot. Ang kilos namin sa araw-araw ay gising ng maaga, ligo, punta sa agahan sa komisarya, takbo sa opisina, tanghalian, balik sa kampo, hapunan, tulog. Walang kaming oras kundi Huwebes/Biyernes, na siyang Sabado’t Linggo nila, upang mamasyal sa dagat o magpunta sa mga bayan-bayan, maligo sa swimming pool na hiwalay ang lalaki at babae, magpunta sa aklatan, o kaya’y manood ng sine o konsiyertong inoorganisa ng Bechtel, ang aming Amerikanong employer. Hindi ka naman pwede magbisyo kaya yung iba sigarilyo ang libangan. Sa ganitong kadahilanan kaya madalas na kami ni Nestor Dagukan, ang ka-kuwarto ko, ay tiis na lamang sa katitingin o kasisipol kung may nagdaraang mga Pinay sa may bintana ng opisina. Kampu-kampo kasi ang opisina't tirahan namin sa Jubail at bago makapunta sa ibang kampo ang mga taga-ospital ay dadaan muna sa kampo namin. Minsan hindi ko na lang sila pinapansin at isinusubsob ko na lang ang sarili sa trabaho, tutal wala rin naman kakong mangyayari. Gayon pa man bagama't tatawatawa ako't kunwari'y hindi nagugulumihanan, lihim kong inasam-asam na makakurus ko ng landas si Susan, masilayan ang kanyang kabuuan at kung maaari'y makilala't makaibigan. Hindi ko alam kung bakit, nguni't unti-unti'y binalisa ako ng impaktang itong ni hindi ko pa namamasdan. Kaya't gayon na lang ang aking galak nang sa wakas, isang katanghaliang-tapat ay nagpanagpo kami ni Susan sa bangko sa Kampo Uno. Pagkakita ko pa lang sa kanya, gayong nakatalikod sa akin, ay alam ko na agad na siya ang tampok na babaeng laging pinag-uusapan at gumugulo sa aking isipan. Pareho kaming nagpapapalit ng riyal sa dolyar para maipadala sa mga mahal namin sa Pilipinas. Para akong nabatubalani ng kanyang kabuuan. Marahil naramdaman niya ang pagtitig ko sa kanya pagka't paglapit ko sa despatso, bigla siyang lumingon. “O, Diyos! Anong kagandahan,” sa loob-loob ko. Minsan lang niya akong pinukol ng tingin at sasaglit na naghinang ang aming paningin, subali't parang naging kamera ang aking mga mata at nakunan ko siya ng larawang agad kong itinago sa kalaliman ng aking balintataw. Napansin kong bahagya siyang natigilan, tulad ko, nguni't kahit na ang dalawa niyang kasamang babae ay pasulyap-sulyap sa akin ay hindi na niya ako muli pang nilingon. Hindi ko rin siya tinitingnan nguni't ramdam ko na para siyang di mapakali. Ako ma'y biglang parang may sumisikdo sa aking dibdib, nangangalisag ang balahibo't parang medyo kinakabahan. Mga limang talampakan at anim na pulgada ang kanyang taas. Nakaputing pantalon at puting kamisetang kapwa hakab sa katawang hindi pahuhuli sa mga modelo sa kalendaryo. Ang kanyang itimang buhok ay nakapuyod at lalong nagpatingkad sa kanyang kapihang mga matang bagaman nangakangiti'y parang may ikinukubling lumbay.Matangos ang ilong niya't mapipintog ang mamula-mulang pisnging bahagyang inihaw sa init ng araw. Ang mga labi niya--ang mga labi niya'y parang hindi pa nahahagkan. At ang malabulaklak na samyo niya'y halimuyak na pumuno at halos makamalikmata sa maliit na bulwagang hintayan ng mga magpapadala ng pera. Gayon mang alam kong hindi daw ito nakikipag-usap sa mga lalaki, ayon sa mga kasama ko sa kampo, hindi ko napigilan ang sarili kong lumapit sa kanila nung palabas na kami ng bangko at makipagkilala. Mahusay naman ang naging tugon nila, lalo na yung mga alalay ni Susan, at wala pang isang minuto'y para bang kami'y matatagal nang mga magkakaibigan na matagal nang hindi nagkikita, nagtatawanan, nagbibiruan. Sabi ni Susan, "Kami mang mga babae'y nag-uusap-usap din tungkol sa mga Pinoy sa kampo ng mga lalaki. Akala mo ba kayo lang!" At yun pala'y narinig na rin niya ang aking pangalan at mayroon nang naglarawan sa akin sa kanya. Agad din daw niya akong namukhaan! Nagkatawanan kami at doon na nagsimula ang aming dakilang pagkakaibigan. Inihatid ko sila hanggang sa may tarangkahan ng kampo nila. Pagdaan namin sa aming gusali'y kawayan, sipulan at kantiyawan ang tinamaan ng kulog kong mga katrabaho na alam agad kung ano ang nangyayari sa nabubuo naming drama. Pagkatapos noon, hinanap-hanap ko na ang matunghayan ang kabuuan ni Susan. Inasam-asam ko nang matikman ang kanyang malalambot at punong mga labing animo'y tilad ng matamis na lansones, mahaplos ang itiman niyang buhok, at malanghap ang kanyang mainit na hininga. Natuto akong muling kumatha ng mga makapitlag-pusong liham ng pagsamba at nabubuong pagmamahal. Natutuhan kong muling pumaimbulog sa rurok ng mga pangarap na siya'y aking kakapit-kamay. Naranasan kong muling mabalisa, hindi mapagkatulog. At doon ko rin naranasang pumasok sa opisina na laging nangangalumata at hinahangin ang utak, dulot nga ng kakaibang damdamin, nguni’t magaan ang pakiramdam dahil alam kong may katumbas ding pagtingin sa kabilang kampo lamang. Sa madaling salita'y muling nadiligan ang aking damdaming unti-unting natitigang sa kainitan ng Arabya. At nang ito'y aking mapagtanto, isinuko ko ang aking sarili sa halina ng isang mapanganib at nagbabagang pag-ibig na batid kong mahirap takasan at maaari kong kapasuan. Hindi madali ang umibig sa Arabya lalo pa't sa mga lugar na di pa gaanong nalalanitan ng anumang makabago. Mga probinsiyang ang mga tao'y hindi pa sanay sa mga banyaga at walang tolerasyon sa ibang mga kaugalian at pananampalataya. Lalo't higit kung ang pag-uusapa'y tungkol sa ugnayan ng mga babae't lalaki. Sa kung saan nakatalukbong pa ang mga babae't para bang ayaw magpasilay ng mukha man sa mga kalalakihan. Kung saan bawal ang katutubong babae magmaneho at lumabas ng bahay na walang kasamang lalaking alalay na kamag-anak. Bawal ang ibang relihiyon. Kung magmisa kami'y patago sa mga bahay-bahay ng puti at ang pari kunwari'y nag-oopisina rin o kunwari'y mangangalakal na bumibisita lamang. Ni minsan ay hindi kami nahuli sa patagong pagmimisa. Marahil siguro sa basbas na rin ng nasa itaas, o maaaring alam naman ng mga awtoridad na kailangan naming ang ganoong bagay sa bansa nilang iba ang pinaniniwalaan.Bawal ang alak, bagama't sila mismong mga Arabo'y tambak ang mga istetsayd sa kabinet at ang lakas lumaklak ng sadiki. Bawal ang sugal, bagama't marami pa ring mga Pinoy na hayup kung manlaspag ng perang pinaghirapan sa beinte-uno o pusoy. Bawal ang malalaswang babasahin at merong isang malas na Taylander na nahulihan sa kanilang silid sa kampo ng Playboy na magasin ang agad dinakip at ikinulong.Kaya takot kaming humawak ng mga babasahing may hubo't hubad na larawan sa pabalat at sa loob. Nakakalusot lamang ang mga nobelang Ingles na medyo malalaswa basta walang litrato o ilustrasyong kasama dahil hindi naman nila ito maiintindihan.Hindi ka puwedeng basta lumabag sa mga bawal sapagka't basta na lang lumulusob sa mga kampo ang mga pulis relihiyoso upang mag-inspekta. Ewan ko kung bakit pa sila kumuha ng mga trabahador na iba ang kultura at paniniwala kung pahihirapa't pipiliting sumunod sa kanilang gawi. Isang araw pinasyalan ko sina Susan sa kanilang kampo sa likuran ng ospital, ikako'y makapormal o kahit makipagkuwentuhan lang ng mga drama sa buhay. Kaya lang ayaw akong papasukin ng mga Pakistaning guwardiya na mahigpit ang pagbabantay sa mga babae. Tuwing pupunta ako'y ganoon nang ganoon. Mag-abutan lang ng sulat ay hindi namin magawa kung kaya kinailangan pa naming makiusap sa pinsan niyang bakla sa aming kampo na pumayag maging tulay naming dalawa. Ang kasama ko namang si Nestor, na may-asawa't anak sa Pilipinas, ay nanligaw kay Rosalie Reyes, yung isang kasabay ni Susan sa bangko at kasama sa kuwarto. Buhat noon kami ng kinumpare kong hilaw ay lagi ring magkasama sa panliligaw na patago. HINDI basta ang aming naging pag-iibigan ni Susan. Kapwa kami may mga naiwang kasintahan sa malayong Pilipinas nguni't hindi namin napaglabanan ang alab ng damdamin. Walang maaaring humadlang sa matindi naming paghahangad na magkadauppalad sa tuwina. Yung magkita lang kami kahi't panandalia'y sapat na. Nagawa naming lundagan ang mga balakid at sa tulong ng ilang kaibigang kasapakat sa krimen ng pag-ibig, kami'y nakapagkikita. Malimit kunwari'y basta magkakatagpo kami sa bayan o sa bangko, sa supermarket o sa aklatan. Lahat ng maaari naming pagtagpuan, basta hindi pribado dahil bawal nga magkahalo ang babae't lalaki, ay aming pinagtagpuan. Minsan nagtagpo kami ni Susan sa Dammam, ang Luneta at Divisoria nga ng mga Pinoy sa silangang bahagi ng Saudi. Gusto niyang bumili ng pabango, mga pampadalang regalo sa kanila sa Cavite, at ilang mga kaset teyps. Buong pagmamalaki ko siyang sinamahan sa pamimili habang tinginan ang kabi-kabilang umpukan ng mga kababayan kong pulos sabik sa babae o kaya'y maaaring umaasam din na makaranas umibig sa bayang kinasadlakan. Wala halos akong pagsidlan ng kaligayahang nakasama ko si Susan sa pamamasyal at pagkain ng fried chicken sa isang maliit na restoran sa bayan. Biruin mo nga naman, nakapagdedeyt kaming ligid ng libong mga kababayan at wala halos bantay basta kasama lamang namin sina Rosalie at iba pa niyang mga babaeng kaibigan. Kaya lang nung mag-uuwian na pabalik sa Jubail ay magkahiwalay kaming muli dahil ang mga babae'y sakay ng pribadong bus, at kami namang mga lalaki'y sakay ng kotseng hiniram sa tatay ni Nestor na naroroon din sa Jubail. Bagama't gayon lang ang aming nagagawa'y sapat na upang magdulot sa amin ng ibayong kaligayahan. Ang mga araw tuloy na aming ipinamalagi sa mainit na panig ng daigdig na iyo'y magaang at mabilis na nagsilipas habang ang aming mga pangarap ay nabubuo't lumalaki, at ang aming pagtitingina'y animo manibalang na manggang kinalabaw na unti-unti nguni't tiyakang nahihinog. NUNG tapos na ang aking kontrata at kinabukasan na ang aking alis, nag-usap kami ni Susan na magkikita sa restoran sa Kampo Uno, malapit sa swimingpul, upang magpaalaman. Dumating siya kasama ang isang mabait na doktorang Taylander na naging kaibigan namin upang hindi kami mapansingnagdedeyt. Sa simula'y dinaan lang namin sa pagtitig-titig sa isa't isa habang pinakikiramdaman namin ang mga guwardiyang baka mamaya-maya'y biglang mapadaan at makitang kami'y nagpapahayag ng damdamin sa publiko na maaaring makaiskandalo sa mga katutubong mamamayan, o kaya’y labag sa moralidad ng kanilang relihiyon. Ginagap ko ang kanyang kamay sa ilalim ng lamesa at doon kami nagpang-abot. Mahigpit ang naging hawak namin sa isa't isa sa ilalim ng lamesa na buti na lamang at may mantel na asul. Doon sa kalagitnaan ng disyerto, sa kasigiran ng tanghali, nagtalik ang aming mga kamay, puno ng damdamin at hihiya sa mga dakilang pag-iibigang naisulat na ng kung sinong mga awtor. Parang halos wala kaming napapansin sa kapaligiran kung hindi ang hihip ng nagbabagang hanging nakaiinis, na lalong nagpasigabo sa naglalagablab naming mga damdaming nagkukumawala. Ang katahimika'y nababasag lamang ng malalayong alingawngaw ng putukan ng digmaan ng Iraq at Iran. Ang elektrisidad na aming pinaanod mula sa aming mga puso't kaluluwa sa mga pulso at bawa't himaymay ng aming laman ay sapat marahil magbigay-ilaw sa isang munting bayan sa loob ng isang taon. Ang bawa't buntung-hininga nami'y pumupugto halos ng aming buhay at sisinghap-singhap kaming nagpaanod sa pangangarap. Inabot kami ng hapon sa lamesang aming niluluklukan na naging saksi sa aming pagniniig habang marahil ay ilang galong koka-kola ang aming naitumba, gayun din ang kape at tubig-mineral. Ilang pinggang minindal ang aming itinaob at gabundok na halos ang balat ng pistakyong aming pinapak. Halos naglintog ang aming mga palad sa kahihimas sa isa't isa. Nagdidilim na sa malayong guhit ng buhangin nang magyaya yung martir na doktorang bumalik na sila sa kampo nila. Bantulot man ay nagpaalam kami sa isa't-isa. Bago sila tumayo ay binigyan ko si Susan ng mga rosas na yari sa sutlang may pabango. Ako nama'y inabutan niya ng isang larawan at makapal na sobreng selyado na may nakapaloob na liham. "Basahin mo ito kapag ang eruplano mo'y pumasahimpapawid na," namumulamula at namamasamasa ang mga matang sabi niya at tuloy talikod. Umaga. Bago ako lumipad ay makailang ulit kong sinubukang tawagan si Susan sa kanilang kampo at sa ospital. Nguni't ayaw akong ikonekta ng walang habag na switsbord opereytor, gaano man ang aking pakiusap, at kahit baguhin ko pa ang boses ko. Para bang alam ng opereytor na mayroon akong kakaibang gagawin sa telepono na bawal. Hindi ako nagtagumpay na makontak si Susan hanggang ianunsiyo na ang ang aming pag-akyat sa eruplano. Pumaimbulog tuloy ang dambuhala kong sinasakyan na hindi man lamang ako nakapagpaalam sa huling sandali sa aking liyag at ni hindi ko nasabi sa kanya kung gaano ko siya minamahal at anuman ang mangyari na hinding-hindi ko siya malilimutan. Nung matagal na sa itaas ang aking sinasakyan, saka ko pa lamang naalaalang kunin sa bag, buksan at nanginginig halos basahin ang kanyang liham na halos nobela na sa kahabaan. Lahat ng matatamis naming pinagsaluha'y kanyang muling binuhay, ang aming mga pangarap at pangamba, at pag-asang papatnubayan ako ng Maykapal. At doon sa bandang huli kanyang sinabi, "Marahil kapwa lang tayo nalumbay, o maaari ngang wagas ang ating naging pagmamahalan. Nguni't kapwa tayo may mga pinangakuan na ng ating buhay at kung maaari sa iyong paglayo, pilitin nating maglimutan at isipin na lang ang lahat na isang magandang panaginip." Sa sandaling iyon, alam kong nagkalamat ang aking puso sa tindi ng sama ng loob sa nabasa kong malulupit na mga huling salita ni Susan. At pinilit kong lunukin ang mga hikbing nagbabantang sumabog, habang inuunawa ko ang kanyang mga sinabi, hanggang ako ay nakatulog sa lungkot at pagod. PAMINSANMINSA'Y naaalala ko si Susan, binabasa ko ang huli niyang liham (hindi ko alam kung saan ko na nailagay ang litratong kasama nito) at nailalarawan ko sa sarili ang mukha niya't kabuuan, ang umis niya't ngiti, ang kanyang paglakad. Kaya lang habang lumalaon parang palabo nang palabo ang anyo niya sa aking palaisipan. At ang tunay na hindi ko na maalaala'y ang himig ng kanyang tinig, na minsa'y hinahanaphanap ko sa samutsamot na mga ingay na ngayo'y naririnig. Kapag ganoon naiisip kong harinawa'y nasa mabuti siyang kalagayan at sana nama'y hindi niya ako lubos na nalilimutan. Kahit minsa'y naaalala rin naman tuwing aamuyin niya ang mga rosas na sutlang aking iniwan. Kung siya'y balisa't hindi maidlip, sana'y sumagi sa kanyang isip na minsan sa disyerto'y may pag-ibig. (Written in early 1980s, updated 2020) alcantara.gene@gmail.com

Recent Posts

See All

Dying abroad is never easy

Dying is a messy business, wherever and however one decides to undertake it. It shatters dreams. It scuppers the best laid of plans. It...

welcome to fILIPINO cHRONICLES

 

We hope to see you visit regularly as we update these pages with thought provoking, informative and entertaining pieces.  If you have anything worth sharing with out wider audience, please kindly let us know.

 

filipinochronicles@gmail.com

UPCOMING EVENTS: 

 FOLLOW FILIPINO CHRONICLES
  • Facebook B&W
  • Twitter B&W
  • Instagram B&W
 RECENT POSTS: 
 SEARCH BY TAGS: 
bottom of page