Mozart at Salieri
Mozart at Salieri ni Alexander Pushkin Unang Eksena [Isang silid] SALIERI Sinasabi ng lahat: walang katarungan sa sangkalupaan. Nguni't wala ring katarungan maging sa kalangitan man. Anong linaw nito sa akin, tulad ng isang payak na iskala! Ipinanganak akong may pag-ibig sa sining: Noong ako'y munting bata pa lamang, kapag umimbayog ang matinis na tunog Ng organo sa aming lumang simbahan Ako'y nakikinig na puno ng kagalakan - At matatamis na mga luha ang di-kusang mamamalisbis. Maaga kong itinakwil ang mga walang-halagang libangan; Anumang karunungan na kaiba sa musika Ay kamuhimuhi para sa akin; May pagmamatigas at pagmamalaking Mula sa mga ito'y iwinaksi ang aking isip At itinalaga ang sarili tanging sa musika. Mahirap ang unang hakbang at Nakaiinip ang unang pinagdaanan Nguni't napanaigan ko ang naunang mga kasawian. Kadalubhasaan ang itinakda kong batayan ng sining; Ako'y naging artesano; sa mga daliri ko'y aking iginawad Ang maamo at tigang na kasanayan at kahusayan sa aking pandinig. Ang mga nota'y kinitlan ko ng tunog At tinistis ko ang musika, pinaghiwa-hiwang tulad sa isang bangkay, Sinubok ko ang ayunang-tunog na animo ito ay alhebra; At nang masanay sa karunungan Noon ko pa lamang pinangahasan ang layaw ng mapanlikhang pangarap Nagsimula akong kumatha - subali't tahimik, palihim. Hindi pa naghahangad mangarap ng kabantugan. Madalas, pagkagugol ng panahon sa piping selda, Dalawa, tatlong araw, nakakalimutan ang pagtulog at pagkain, Nilalasap ang lugod at mga luha ng inspirasyon Inihahagis ko sa apoy ang aking pinaghirapan At di-natitinag na pagmamasdan Kung paanong ang mga katha ko't awitin - Mga supling ng aking kaisipan Ay magliyab, maglaho sa manipis na usok! Nguni't hindi Anong aking masasabi? Nang ang dakilang si Gluk ay Naghantad sa amin ng makabagong mga lihim Malalalim at nakaaakit na mga lihim, Hindi baga't itinakwil ko ang lahat ng aking nalalaman, Lahat ng minamahal, at totoong marubdob na pinanaligan; Hindi baga't ako'y masayang nunod sa kanyang mga yapak Walang reklamo, tulad sa isang naligaw ng landas at nakasalubong Ng isang nagturo sa kanya sa kabilang panig? Sa pamamagitan ng maigting at walang humpay na pagpupunyagi Sa wakas ay nagtamo ako ng isang mataas na katayuan Sa walang hangganang kaharian ng sining. Ngumiti sa akin ang katanyagan; sa puso ng madla Ay natagpuan ko ang alingawngaw ng aking mga likha Maligaya ako noon: mapayapang nalugod sa aking gawa, luwalhati at tagumpay; Gayundin sa gawa at tagumpay ng aking mga kaibigan Mga kasamahan ko sa dibinong sining. Hindi! Hindi ako kailanman nakaramdam ng inggit A, hindi kailanman! Kahit na nang pagtagumpayang bihagin ni Pitsini ang pandinig ng mga barbarong Parisyano, Kahit na nang marinig ko sa unang pagkakataon Ang mga pangunang himig ni Ipigeniya. Sinong makapagsasabi na si Saliering mapagmataas Ay naging mainggitin at kasuklamsuklam Animo'y ahas, pinagtatatapakan, nguni't buhay at Wala halos lakas na ngumangatngat ng buhangin at alabok? Wala! ... Nguni't ngayon--ako mismo ang magsasabi-- Ako ngayon ay taong naiinggit. Ako ay naiinggit: matindi at mahapding pagkainggit. O, kalangitan! Nasaan ang katarungan, kapag ang banal na kakayahan, Kapag ang talinong imortal Ay hindi nagbibigay-gantimpala Sa masimbuyong pagmamahal, pagpapakasakit, Paggawa, kasigasigan, at ipinadadalang mga pagsamo, Bagkus ay tumatanglaw sa ulo ng isang baliw, Walang silbi't mapagbiro? ... O, Mozart, Mozart! [Nasok si Mozart] MOZART Aha! Nakita mo ako! Gusto pa naman sana kitang pasayahin sa pamamagitan ng isang di-inaasahang biro. SALIERI Narito ka pala! Gaano katagal na? MOZART Ngayon lang. Papunta ako rito, may dalang ipakikita sa iyo, Nguni't pagdaan ko sa harap ng taberna Bigla kong narinig ang isang biyolin. Wala pa, kaibigang Salieri! Wala ka pang narinig sa buong buhay mo Na mas nakatutuwa pa kaysa rito. Isang bulag na biyolinista sa taberna Ang tumutugtog ng "Voi che sapete". Kahangahanga! Nang hindi ko na makayanan pa, Isinama ko rito ang biyolinista Upang aliwin ka ng kanyang karunungan. Pumasok ka! [Nasok ang matandang bulag na lalaki, may dalang biyolin.] Tugtugan mo kami ng mula kay Mozart. [Tutugtog ang matanda ng himig mula sa Don Juan. Hahalakhak si Mozart.] SALIERI At nagagawa mong tumawa? MOZART A, Salieri! Huwag mong sabihing hindi ka natatawa! SALIERI Hindi. Hindi katawatawa para sa akin kapag dinudungisan ng isang Walang kuwentang pintor ang Madona ni Rapael. Hindi katawatawa para sa akin kapag hindi pinararangalan ng isang kasuklamsuklam na payaso sa parodiya si Aligheri. Layas, tanda. MOZART Sandali lang! Eto ang para sa iyo. Uminom ka sa aking kalusugan. [Aalis ang matanda] Wala ka sa kondisyon ngayon, Salieri. Babalik na lamang ako sa ibang panahon. SALIERI Ano ba ang dinala mo sa akin? MOZART Wala naman, isang maliit na bagay lamang. Noong isang gabi, habang pinahihirapan ako ng hindi pagkatulog May pumasok na dalawa, tatlong ideya sa ulo ko. Ngayon ay isinulat ko ang mga ito. At nais ko sanang marinig ang iyong kuru-kuro. Kaya lang hindi mo ako mahaharap ngayon. May mas mahalagang bagay ka yatang gagawin. SALIERI A, Mozart, Mozart! Kailan na ba nangyari na hindi kita naharap? Maupo ka; makikinig ako. MOZART [sa piyano] Ilarawan mo ang iyong sarili ... sino kaya? A, halimbawa'y ako – nguni’t mas bata nang kaunti Umiibig - nguni't hindi karubduban, parang nagkakagusto lamang May kasama akong magandang babae - O kaya'y kaibigan - maaaring ikaw - Masaya ako ... Bigla'y ang pangitain ng libingan, Hindi inaasahang kadiliman o pangyayaring katulad niyon. Makinig ka. [Tutugtog.] SALIERI Ito ang dadalhin mo sa akin, nguni't nagawa mong tumigil sa isang taberna At makinig sa isang bulag na biyolinista! Diyos na mahabagin! Ikaw, Mozart, ay hindi karapatdapat sa iyong sarili. MOZART O, ano, maganda ba sa palagay mo? SALIERI Anong pangahas at anong pagkayari! Ikaw, Mozart, ay diyos, at ikaw mismo ay hindi nakababatid nito; Ako ang nakaaalam, ako. MOZART Ba! Totoo ba! Siguro nga ... Nguni't ang aking kadiyusan ay nagugutom. SALIERI Makinig ka: magkasama tayong maghapunan Sa tabernang Gintong Liyon. MOZART Sige; Nagagalak ako. Pero bayaan mong umuwi muna ako, At masabi sa aking kabiyak na huwag na akong hintayin sa hapunan. [Aalis.] SALIERI Hihintayin kita; makikita mo. Hindi! Hindi ko na mapaglabanan pa Ang nakatadhana: ako ang hinirang Upang siya ay pigilin--kung hindi, lahat kami'y mapaparam, Kaming lahat, mga ministro, mga lingkod ng musika Hindi lamang ako at ang aking binging kaluwalhatian ... Anong kabuluhan na si Mozart ay patuloy na mabuhay At maabot ang lalo pang katayugan? Maitaas pa kaya niya ang sining? Hindi; Muli itong babagsak, kapag siya ay wala na: Hindi niya kami iiwan ng tagapagmana. Kung ganoo'y ano pang kabuluhan niya? Tulad ng isang kerubin, Hinatdan niya kami ng ilang awit ng paraiso, Upang gisingin lamang sa amin ang mga hangaring di maka-iimbulog Isang usok ng alabok--at muli ay lilipad palayo! Kung gayo'y lumipad ka! Sa lalong madaling panahon ay lalong magaling! Heto ang isang lason, huling handog ng aking si Isaure labingwalong taon ko na itong daladala; Malimit ang buhay ko nama'y parang sugat na kay hirap batahin; malimit akong nauupo Sa iisang mesa kasama ng walang bahalang Kaaway at ni minsa'y hindi napadala sa bulung-bulong ng temtasyon, kahit hindi ako duwag. Gaano man katindi ko nararamdaman ang mga insulto, Gaano man kaliit ng pagpapahalaga ko sa buhay. Gayun man ako'y nag-antala, kahit na ang uhaw sa kamataya'y Gumigiyagis sa akin--bakit magpapakamatay? Naisip ko, maaaring ang buhay ay may nakalaan pang mga di inaasahang alay. Maaaring darating ang katuwaan, at ang isang mapanlikhang hatinggabi, at inspirasyon; o kaya'y may ibang Hayden na lilikha ng isang kababalaghan upang umengkanto sa akin ... Gayon na nga, habang nakaupong nagpipista kasama ng aking walang gandang panauhin, Naisip ko, isang araw Maaaring matagpuan ko ang isang mortal na kaaway; Maaaring kung anong mortal na ngitngit ang maghahagis sa akin unang-ulo mula sa matarik na bundok ng amor propio -- At, kung ganon, hindi mo ako pababayaan, handog ng aking Isaure. At tama nga ako! Kapwa ko natagpuan sa wakas ang aking kaaway, at namalikmata na may pagmakamangha at katuwaan ng isang bagong Hayden! Oo, ngayon ang oras. Ikaw na banal na alay ng pag-ibig, ikaw ngayong araw na ito ay lilipat sa kopa ng pagkakaibigan. Ikalawang Eksena [Isang pribadong silid sa isang tuluyan: isang piano] Si Mozart at Salieri sa isang mesa. SALIERI Bakit malumbay ka yata ngayon? MOZART Ako? Hindi. SALIERI Mozart, Sigurado ako na mayroong bumabagabag sa iyo. Masarap ang ating hapunan, at mayroong kaysarap na alak, nguni't nakaupo kang tahimik, nakasimangot ... MOZART Inaamin ko, Nag-aalala ako sa aking Rekbiyem. SALIERI Kung gayon isang Rekbiyem pala ang iyong sinusulat. Matagal na? MOZART A, oo, halos tatlong linggo na. Nguni't may kakatwang bagay... Hindi ko ba nasabi sa iyo? SALIERI Hindi kailanman. MOZART Kung gayo'y makinig ka na lamang: mga tatlong linggo na ang nakararaan, umuwi akong medyo gabi na. Sabi nila mayroon dumating at hinahanap ako. Kung bakit ay hindi ko alam, nguni’t buong magdamag akong nagtataka kung sino siya at kung ano ang kailangan niya sa akin? Nang sumunod na araw dumating siyang muli, nguni't natagpuan na naman akong wala. Nang ikatlong araw nakikipaglaro ako sa sahig sa aking munting anak. Tinawag nila ako; lumabas ako. Isang lalaki, nakabihis ng itim, ang yumukod ng malalim sa akin, kinomisyon akong sumulat ng isang Rekbiyem at kagya't naglaho. Kaya naupo agad ako at nagsimulang magsulat--at magmula noong araw na iyon ang aking lalaking nakaitim ay hindi pa nagbalik; nguni't natutuwa naman ako: totoong malulungkot ako kung mawawalay sa aking Rekbiyem, bagama't ngayo'y halos handa na iyon at tapos. Nguni't samantala naman, ako ... SALIERI Ano? MOZART Nahihiya akong aminin ... SALIERI Aminin ang ano? MOZART Ang lalaking nakaitim, araw at gabi ay ayaw niya akong bigyan ng saglit mang kapayapaan. Sinusundan niya ako saan man, tulad ng isang anino. Kahit ngayon palagay ko'y nakaupo siya rito sa pagitan natin. SALIERI Huwag, tama na! Anong mga pambatang katatakutan! Kailangang iwaglit mo ang ganyang mga walang-kapararakang isipin. Sinabi sa akin ni Beaumarchais: "makinig ka, mahal kong Salieri, kapag sinalakay ka ng mga isiping malulungkot, magbukas ka ng tsampanya, o kaya'y basahin mong muli ang "Ang Kasal ni Figaro". MOZART A, oo nga pala! Si Beaumarchais nga pala ay kaibigan mo; para sa kanya kaya mo kinatha ang Tarara, ang dakilang gawang yaon. May bahagi doon... kapag ako'y masaya, lagi ko itong inaawit... La la la la... Ngunit totoo ba, Salieri, na minsa'y may nilason si Beaumarchais? SALIERI Hindi, wala akong paniwala diyan; masyado siyang palabiro para sa ganyang kalakal. MOZART Ang totoo isa siyang henyo katulad mo at katulad ko. Ang henyo at katraydoran ay hindi maaaring magkasama, hindi ba? SALIERI Iyan ba ang palagay mo? [Ihuhulog ang lason sa baso ni Mozart] Hala, inom. MOZART Heto ang sa iyong kalusugan, kaibigan ko, sa tunay na tali na nag-uugnay kay Mozart at Salieri, dalawang anak ng harmoniya. [Iinom] SALIERI Sandali, sandali! ... uminom kang mag-isa ... hindi ako kasama? MOZART [ihahagis ang napkin sa mesa] Tama na, tapos na ako. [Pupunta sa piano] Ngayon, Salieri, makinig ka. ang aking Rekbiyem... [Tutugtog] Lumuluha ka? SALIERI Oo, ang mga luhang ito ngayon lang ako lumuha nang ganito: may sakit, may ligaya, para bang naisagawa ko ang isang mabigat na tungkulin, parang ang isang matalas na kutsilyo ay pumutol ng isang bahaging may-karamdaman! Mahal na Mozart, ang mga luhang ito ... huwag mo silang pansinin. Magpatuloy ka, magmadali, buhusan mo pang lalo ng himig ang aking kaluluwa ... MOZART Kung ang lahat lamang ay makadaramang ganito sa lakas ng harmoniya! Ngunit hindi: sapagkat kapag nagkagayon ang daigdig ay hindi maaaring magpatuloy: wala ni isang mag-aaalala tungkol sa mga nakabababang dalahin sa buhay-- at lahat ay mag-aalay ng sarili sa sining na walang halang! Iilan lamang tayo, tayong masasayang mga lakwatsero, tayong mga napili na umiingos sa walang-dangal na tawag ng basta kagamitan, mga paring laan lamang sa kagandahan. Nguni’t bigla na lamang may nararamdaman akong masama, isang mabigat na bagay na dumadagan sa akin; Aalis ako at matutulog. Paalam. SALIERI Hanggang sa muli nating pagkikita. [Nag-iisa] Oo, humayo ka sa isang mahabang pagtulog, Mozart! ... Ngunit hindi ba siya tama? Hindi ba't ako'y isa ring henyo? Ang henyo at katraydoran ay hindi maaaring magkasama. Ito'y isang kamalian: tulad na lamang ni Buonaroti?*... O isa lamang itong pabula ng mga walang-isip na masa--at ang lumikha sa Vatican ay hindi mamamatay-tao? (26 October 1830) Salin ni Gene Alcantara mula sa wikang Ruso.
Recent Posts
See AllDying is a messy business, wherever and however one decides to undertake it. It shatters dreams. It scuppers the best laid of plans. It...